Sultan Kudarat – Isa ang patay habang 14 ang sugatan sa panibagong pagsabog na naganap sa bayan ng Isulan, Sultan Kudarat.
Ayon sa Philippine National Police (PNP) Chief Director General Oscar Albayalde, sumabog ang isang improvised explosive device (IED) sa loob ng isang internet café sa Valdez Street, Barangay Kalawag 2 sa naturang bayan, bandang alas-7:30 ng gabi.
Aniya, ang nasawi ay isang 18 taong gulang na si Jan Mark Palencia Lupa.
Habang pito aniya sa mga sugatan ay dinala sa Sultan Kudarat Hospital, apat sa Holy Nazarene Hospital, isa sa Galinato Hospital at dalawa sa Specialist Hospital.
Kinilala ang mga sugatan na sina Dave Leliza, Kyle Solis, Paul Leterero, Jerson Bucoy, Raymart Agac Ac, Marialyn Luda at Ivan Letrero.
Sugatan rin sina Rowe John Kinazo, Jane Allaga Pequerda, Timothy Falcis Pequerda, Rosalie Pagulidan, Joshua Sumblingo at Fred Casamayor.
Ang insidente ay wala pang isang linggo matapos magkaroon ng kaparehong pagsabog sa Isulan kung saan tatlo ang naitalang nasawi at 36 ang sugatan.