Manila, Philippines – Isusunod narin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga kabataan na pakalat-kalat sa kalye matapos ipagutos sa Philippine National Police na sitahin ang mga tambay at pauwiin sa kanilang mga bahay.
Ayon kay Pangulong Duterte, sunod na tatargetin na ng PNP ang mga batang palaboy o ang mga tinatawag na batang hamog na may edad 18 taong gulang pababa na pagala gala sa gabi.
Paliwanag ni Pangulong Duterte, kailangang protektahan ang mga kabataan lalo na ang mga nasa kalye laban sa iligal na droga.
Binigyang diin ni Pangulong Duterte, ipadadampot niya ang mga batang palaboy hindi para ikulong dahil sa krimen kundi para protektahan ito at para narin sa kanilang kabutihan.
Pinagsabihan naman ni Pangulong Duterte ang PNP na agad na ibigay sa Barangay o sa Department of Social Welfare and Development ang mga madadampot na mga menor de edad.
Nanindigan naman si Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na tama si Pangulong Rodrigo Duterte dahil ang gobyerno ang nagsisilbing pangalawang magulang ng kabataang Pilipino.