Ayon kay Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, walang kasunduan o concensus na nabuo sa pulong sa Malacañang kagabi ukol sa hirit na ipagpaliban ang eleksyon sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM na nakatakda sa 2022.
Binanggit ni Zubiri na ang mga pabor dito ay lalawigan ng Lanao del Sur, Tawi-tawi at Basilan.
Tutol naman ang Sulu at Cotabato City habang neutral ang Maguindanao at sa pulong kagabi ay nagprisinta ang magkabilang panig.
Ipinaliwanag naman ng BARMM officials na hindi sila makakapamuno at makakagalaw dahil sa atrasadong pagtatalaga ng Bangsamoro Transitional Authority o BTA dulot ng COVID-19 pandemic kung saan maraming tanggapan ang nagsara sa rehiyon.
Ipinunto naman ni Committee on Local Government Chairman Senator Francis Tolentino na mahihirapang maisagawa ang halalan dahil wala pang naipapasang Electoral Code para sa rehiyon ang BTA.
Hindi na rin sapat ang 100 araw bago ang pagsusumite ng certificate of candidacy sa October para makabuo ng Electoral Code.
Ayon kay Zubiri, neutral sa isyu si Pangulong Rodrigo Duterte at inutusan nito ang mga taga-BARMM at Council of Leaders na mag-usap-usap at resolbahin ang issue bago sila muling humarap sa final meeting sa Malacañang sa June 24.