
Pinabulaanan ng Malacañang ang kumakalat na balita na maaantala ang sahod ng mga kawani ng pamahalaan, kabilang ang mga guro at uniformed personnel.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, tuloy ang regular na sweldo, salary increase, at retirement benefits ng mga empleyado ng gobyerno dahil buo at handa na ang pondo sa kani-kanilang ahensiya.
Paglilinaw ni Castro na ang ₱24 bilyong pondo ay hindi ibinawas o kinansela, kundi inilipat lamang sa mga ahensiya upang mas direktang maipamahagi sa mga empleyado.
Dagdag pa niya, kung sakaling magkaroon ng anumang pagkaantala, maaari lamang itong makaapekto sa mga bagong papasok na kawani, at hindi sa kasalukuyang empleyado.
Panawagan ng Malacañang sa publiko: huwag magpalinlang sa maling impormasyon at tiyaking ang ibinabahagi ay mula sa opisyal at beripikadong mapagkukunan.










