*Cauayan City, Isabela- * Muling binuksan ang isyu ng ‘Joining Fee’ ni City Councilor Edgardo ‘Egay’ Atienza upang bigyang daan ang ilang mga reklamo hinggil sa pagbabayad ng mga tenant sa isang pribadong kumpanya na nagkakahalaga ng P50,000.00 pagkalipas tuwing ikatlong taon.
Sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay City Councilor Atienza, ito’y pahirap sa mga nasabing tenant kung kaya’t noong mga nakalipas na buwan ay sumulat si City Mayor Bernard Dy upang tanggalin ang nasabing ‘Joining Fee’ o kontribusyon.
Aniya, maliban kasi sa pagbabayad ng nasabing kontribusyon ay nagbabayad din ang mga ito ng rental fee sa mga stall na pinagtayuan ng kanilang pwesto.
Hiniling din ni City Councilor Atienza na mangyaring makipagtulungan ang nasabing pamunuan upang matanggal ang pagbabayad ng mga nangungupahan sa nasabing halaga.
Kaugnay nito, sa darating na July 29, 2019, magsasagawa ng Committee hearing ang Sangguniang Panlungsod at ang pamunuan ng Primark Cauayan upang talakayin at ipawalang bisa ang nasabing kontribusyon.