Manila, Philippines – Umapela ang National Capital Region Police Office (NCRPO) sa publiko na huwag nang palakihin pa ang isyu ng “Momo Challenge” sa halip ay mag-focus na lang sa pagbabantay sa mga bata sa paggamit ng social media.
Ayon kay NCRPO Chief Police Major General Guillermo Eleazar – masyado nang nabigyan ng atensyon at publicity ang nasabing viral page kaya lalo itong nagdulot ng panic.
Inihalintulad din ni Eleazar ang Momo challenge sa iba pang mga nakalipas na hoax na nabigyan lang din ng publicity.
Bagama’t hindi kalaking problema, tiniyak ng NCRPO na hihimayin nilang mabuti ang isyu.
Samantala, bumuo na ng task force ang Department of Information and Communication Technology para tutukan ang umano ay insidente ng suicide ng mga bata na iniuugnay sa momo challenge.
Habang nagsasagawa na rin ng sarili nilang imbestigasyon ang Philippine National Police (PNP).