
Pinasinungalingan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga lumulutang na ispekulasyon tungkol sa tunay na dahilan ng pagtanggal kay Police Gen. Nicolas Torre bilang Philippine National Police (PNP) Chief.
Sa isang pahayag, nilinaw ng ahensya na walang katotohanan na nasibak si Torre dahil hindi siya sumunod sa utos ni DILG Secretary Jonvic Remulla na bumili ng mga armas.
Bagama’t aminado ang DILG na may mga unsolicited proposal kay Secretary Remulla na bumili ng 80,000 na mga baril, hindi niya direktang inatasan ang PNP chief na ipatupad ito.
Ang malinaw na instruction umano ng DILG kay Gen. Torre na i-assess kung may operational necessity nito.
Pinaalalahanan din umano niya ang dating PNP chief na mag-ingat dahil ito ay mangangailangan ng congressional insertion dahil hindi ito naisama sa National Expenditure Program.
Nilinaw rin ng ahensya na magmula nang manungkulang kalihim ng DILG si Remulla ay hindi siya nag-endorso ng congressional budget insertion.









