Isyu ng pagkansela sa VFA, idinulog ng mga senador sa Korte Suprema

Iniakyat na ng mga senador sa Korte Suprema ang isyu ng pagkansela sa Visiting Forces Agreement o VFA.

Pinangunahan ng mga abogado ng opisina ni Senate President Vicente “Tito” Sotto ang paghahain ng “petition for declaratory relief and mandamus.”

Si Senator Sotto ang isa sa mga petitioner habang si Senate Minority Leader Franklin Drilon ang tatayong abogado.


Respondents sa petisyon sina Executive Secretary Salvador Medialdea at Foreign Affairs Secretary Teddy Boy Locsin Jr.

Layon ng petisyon ng mga senador na humingi ng paglilinaw sa Korte Suprema kung dapat bang may concurrence ng Mataas na Kapulungan sa abrogation o pagbasura sa treaties o kasunduan ng Pilipinas sa ibang mga bansa, gaya sa Estados Unidos.

Kalakip nito ang Senate Resolution No. 337, na nauna nang inaprubahan sa Senado, na humihimok sa Korte Suprema na i-define o linawin ang otoridad ng Senado sa pagkansela sa international agreements.

Bukas, may en banc session ang Korte Suprema pero wala pang katiyakan kung makakasama ang petisyon sa agenda.

Matatandaan na ini-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang termination sa VFA makaraang bawiin ng Amerika ang US Visa ni Senador Ronaldo Bato del Rosa.

Facebook Comments