Isyu ng Road Safety at Mass Transport Infrastructure, tututukan ng DOTr

Tiniyak ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon sa mga miyembro ng Commission on Appointments (CA) na pangunahing tututukan niya sa ahensya ang isyu ng road safety at pagsasaayos ng mass transport infrastructure.

Sa pagsalang ni Dizon sa CA, inamin niyang masalimuot ang road sector ng bansa at maraming dapat na gawin ang ahensya pagdating sa mga regulasyon sa trapiko at ang mabagal na pagsasaayos ng mass transport ng bansa.

Naniniwala ang kalihim na ang mga nangyaring sunod-sunod na aksidente sa kalye nitong mga nakaraan ay maaari sanang maiwasan kung nasusunod at naipapatupad ng maayos ang mga regulasyon sa kalye.

Ilan aniya sa mga regulasyon na kailangang tutukan ay ang pagsusuri ng road worthiness ng mga public utility vehicles (PUVs), bus, at mga truck gayundin ang pag-iisyu ng lisensya.

Tiniyak din ni Dizon na sisikaping matapos sa loob ng tatlong taon ang mga mass transport na natengga tulad ng common station, MRT7 at connectivity ng LRT1 at MRT3.

Facebook Comments