Isyu ng Speakership, magpapadelay lamang sa budget; Kampo ni Speaker Alan Peter Cayetano, nanawagan na unahin na muna ang trabaho sa halip na pulitika

Nanawagan ang mga kaalyado ni Speaker Alan Peter Cayetano sa kampo ni Marinduque Representative Lord Allan Velasco na unahin muna ang pag-apruba sa pambansang budget bago ang mamulitika.

Kasabay ng panawagan na ito ang isiniwalat ni Deputy Speaker LRay Villafuerte na may ipinapakalat na mensahe ang mga supporter ni Velasco na magsasagawa ng sesyon ngayong umaga para sa pagbabago ng liderato sa Kamara.

Aniya, ang isasagawang sesyon ay makasisira sa mga nakatakdang gawain bukas para sa muling pagsisimula ng budget deliberation.


Iginiit ni Villafuerte na managot ang kampo ni Velasco sakaling ma-delay ang pag-apruba sa pambansang pondo.

Samantala, nakiusap naman si Anakalusugan Rep. Mike Defensor sa supporters ni Velasco na anumang “clout” ang mayroon sila ngayon ay gamitin ito para sa pagpapatibay ng budget.

Nanawagan naman si Deputy Speaker Prospero Pichay kay Velasco na magpaka-leader at huwag gamitin ang impluwensya nito mula sa pamilya ng Pangulo lalo na kay Davao City Mayor Sara Duterte.

Inirekomenda naman ni Liberal Party member at Caloocan Rep. Edgar Erice na saka na pag-usapan ang ibang bagay tulad sa Speakership at unahin ang budget.

Umapela naman si Minority Leader Benny Abante sa mga may balak manggulo sa pagpapasa ng budget na mahiya naman sa taumbayan at sa Pangulo.

Samantala, ngayong umaga ay magsasagawa ng sesyon ang kampo ni Velasco sa isang lugar sa Quezon City kung saan ipadedeklara umanong bakante ang pwesto ng Speaker of the House at magluluklok ang mayorya ng mga kongresista ng bagong lider ng Kamara.

Facebook Comments