May hurisdiksyon ang Senate Blue Ribbon Committee para imbestigahan ang kabiguan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na kolektahin ang umano’y estate tax na dapat bayaran ng pamilya Marcos.
Paliwanag ni Senator Koko Pimentel, may kapangyarihan ang Blue Ribbon Committee na motu propio o kusang magpatawag ng pagdinig ukol sa naturang isyu anumang oras kahit naka-adjourn ang session ng Senado.
Para kay Pimentel, kailangang alamin ng Senado kung ano ang mga dahilan ng mga dati at kasalukuyang BIR officials bakit bigo silang kolektahin ang estate tax ng mga Marcos kahit pa with finality na ang naging desisyon ng korte rito.
Ang estate tax liability ng mga Marcos ay nagkakahalaga ng ₱27 bilyon noong 1997 pero lumobo na ito sa halos ₱203.819 bilyon noong 2021 dahil sa interest, surcharges at penalties.
Diin ni Pimentel, malaking tulong kung masisingil ang estate tax liability ng mga Marcos na sobra pa sa kinakailangang pondo para pang ayuda sa mga apektado ng pandemya at walang humpay na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.