Mapag-uusapan sa gagawing pakikipagkita ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kay Indonesian President Joko Widodo ang usapin sa West Philippine Sea.
Sa pre-departure briefing, sinabi ni Department of Foreign Affairs o DFA Spokesperson Assistant Secretary Teresita Daza na bilang mga miyembro ng ASEAN, parte ng kanilang magiging diskusyon ay ang mga isyung pareho silang may interes, kabilang ang WPS.
Sinabi pa ni Daza, pangunahing layunin ng dalawang lider at iba pang mga lider sa Timog Silangang Asya ay maisulong at mapanatili ang katatagan at kapayapaan sa rehiyon.
Bukod dito ay tatalakayin din aniya ang iba pang geo political development maging ang iba pang regional at global development.
Samantala, ilan naman sa mga aktibidad ni Pangulong Marcos Jr., sa Indonesia ay ang paglagda sa plan of action para sa susunod na limang taon o mula 2022 hanggang 2027 tungo sa mas matibay na bilateral relations ng dalawang bansa.
May mga lalagdaan din aniyang mga kasunduan sa usapin ng defense and security, order management, counter terrorism, economy, energy, maritime affairs, education at consular matters.