Ikinalungkot ng ilang senador na itinuloy ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapabasura Sa Visiting Forces Agreement o VFA na kasunduang pinasok ng Pilipinas sa Amerika.
Ayon kay Senate President Tito Sotto III, hindi na sya magugulat kung may senador na aakyat sa Supreme Court para idulog ang isyu sa VFA Termination.
Paglilinaw ni Sotto, nirerespeto nila ang desisyon ni Pangulong Duterte pero sana ay naikonsidera ang ipinasa nilang Senate Resolution Number 312.
Nakapaloob sa nabanggit na resolusyon ang kahilingan na bigyan ng pagkakataon ang senado na magsagawa ng pagrepaso o pag-aaral sa VFA bago pagpasyahan kung dapat na itong tuldukan.
Giit pa ng ilang senador, dapat ay dumaan sa Concurrence o pagpapatibay senado ang anumang hakbang laban sa mga kasunduan sa ibang bansa na pinapasok ng Pilipinas tulad ng VFA.