Isyu sa pagitan ng PATAFA at ng Olympian na si EJ Obiena, pinasisilip sa Kamara

Pinaiimbestigahan ni Manila Rep. Rolando Valeriano ang gusot sa pagitan ng Philippine Athletic Track and Field Association (PATAFA) at ng Olympian pole vaulter na si EJ Obiena.

Sa resolusyong inihain sa Kamara, hinihimok ang House Committee on Youth and Sports Development na silipin ang alegasyon ng PATAFA laban kay Obiena.

Una rito ay inakusahan umano ng PATAFA si Obiena ng paglustay at pamemeke ng liquidation document kaya’t inatasan ang atleta na ibalik ang P4.8 million o 85,000 euros.


Inakusahan din ng PATAFA si Obiena na hindi umano nito binayaran ang kaniyang Ukranian coach na siya namang itinanggi agad ng dalawa.

Giit ni Valeriano, ang mga akusasyon ng PATAFA laban sa atleta ay maituturing na harassment at indikasyon ng kabiguan ng National Sports Associations (NSAs) na maisulong ang kapakanan ng sariling atleta.

Kasabay rin ng panukalang pagsisiyasat ay pinarerepaso rin ng mambabatas ang panuntunan at ugnayan sa pagitan ng mga atleta, Philippine Olympic Committee (POC), NSAs, Philippine Sport Commission (PSC) at iba pang stakeholders dahil sa nasabing insidente.

Facebook Comments