ISYU SA PCSO | PCSO GM Balutan at PCSO Board Member Sandra Cam sa ahensya, iimbestigahan

Manila Philippines – Iimbestigahan ng Kamara ang mga alegasyon ng korapsyon at iba pang anomalyang ikinakabit kay PCSO GM Alexander Balutan at PCSO board member Sandra Cam.

Nakasaad sa house resolution 1599 na inihain ng mga kongresista ng makabayan, na inaatasan ang House Committee on Good Government and Public Accountability na imbestigahan in Aid of Legislation ang mga iregularidad sa PCSO.

Kasama sa iimbestigahan ay ang ibunyag ni Cam noong nakaraang taon na magarbong Christmas Party ng ahensya sa Edsa Shangri-La Hotel na aabot sa P9.9 million.


Sisiyasatin din ng komite ang nasa P2 Billion lamang na inilaan na Charity Fund sa halip na P18 Billion, ang pagdedeklara ng kulang sa kita ng mga STL Operators na nasa 15-20% at ang 80% na kita sa STL ay ipinambabayad umano sa mga high-ranking officials ng PCSO.

Dagdag din sa sisilipin ng Kamara ang alegasyon naman ni Balutan kay Cam na ginamit nito ang pangalan ni Pangulong Duterte para i-lobby sa PCSO na payagan ang gambling operator na si Charlie Atong Ang na mag-operate ng STL sa buong bansa.

Nakasaad din sa resolusyon na kapwa naglalagay ang mga ito ng mga kaanak na staff sa kanilang mga tanggapan.

Giit ng MAKABAYAN, nakokompromiso ang interes ng taumbayan at ang tunay na mandato ng PCSO na tumulong sa mga mahihirap bunsod ng mga anomalyang kinasasangkutan nila Balutan at Cam.

Facebook Comments