ISYU SA TRANSPORTASYON SA LUNGSOD NG ILAGAN, DININIG SA KONSEHO

Nagpatala na ng Ordinansa si City Councilor Jay Eveson Diaz tungkol sa pagtatatag ng mga Bus Stop sa Lungsod ng Ilagan hinggil sa isyu ng transportasyon sa nasabing Siyudad nitong ika-18 ng Oktubre taong kasalukuyan.

Sa pagsisikap na matugunan ang kaayusan ng transportasyon sa City of Ilagan, inimbitahan ni Hon. Jay Eveson C. Diaz, ang mga kinatawan mula sa LTFRB at iba pang stakeholders upang mabigyang linaw ang isyu sa pagpapatupad ng point-to-point pick-up at drop-off sa City of Ilagan Central Terminal.

Sa naging deliberasyon, ipinaliwanag ng LTFRB na sila ang may hawak ng hurisdiksyon sa usapin na ayon sa kanilang direktiba, lahat ng Public Utility Bus at UV Express ay awtorisado lamang na magsakay at magbaba ng mga pasahero sa Terminal.

Ang mga mahuhuling lalabag ay papatawan ng kaukulang multa at kukumpiskahin ang prangkisa ng mga nasabing operator.

Gayunpaman, nakipag-ugnayan ang Sangguniang Panlungsod sa LTFRB na ang pagpapatupad ng patakarang ito ay lubhang nakakapagpabigat para sa publikong nagko-commute kung saan karamihan ay mula pa sa malalayong barangay sa naturang syudad.

Kaugnay nito, bilang kasunduan sa LTFRB, ang Pamahalaang Lungsod ng Ilagan ay magtatatag ng mga bus stop sa kahabaan ng silangang bahagi ng Lungsod ng Ilagan upang mapagaan ang pasanin ng mga commuter.

Samantala, nakatakda naman ang susunod na pagbasa para sa public hearing bukas, araw ng Huwebes, alas nwebe ng umaga.

Facebook Comments