Manila, Philippines Umaasa pa rin ang Palasyo ng Malacanang na tatalima ang Chinese Government sa kanilang pangako na hindi na sila magtatayo ng mga artificial islands sa mga disputed area sa West Philippine Sea at magtayo ng mga military bases.
Ito ang sinabi ng Malacanang sa harap na rin ng lumabas sa balita na malapit nang matapos ang militarization ng China sa 7 reclaimed reefs sa West Philippine Sea.
Ayon kay Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, pinanghahawakan pa rin nila ang pangako ng China na hindi magtatayo ng bagong isla o militarisasyon sa disputed areas.
Paliwanag ni Roque, ang mga matatapos na istraktura na lumalabas sa balita ngayon ay matagal nang naitayo at nasimulan ito bago pa man pumasok ang Duterte administration.
Sinabi ni Roque na kung walang nagawa ang nakaraang administrasyon para pigilan ang reclamation ng China ay ano naman ang magagawa ngayon ng administrasyong Duterte?
Hindi aniya maaaring magdeklara ng giyera ang Pilipinas laban sa China dahil sa issue dahil illegal ngayon ito batay sa international laws at imposible naman talaga anya itong gawin ng pamahalaan.
Pero kung mayroon anyang maibibigay na suhestiyon ang mga kumokontra sa mga hakbang ng pamahalaan kaugnay sa West Philippine Sea ay magandang lumapit nalang sa Malacanang.