Isyu sa West Philippine Sea, iprayoridad ng mga tatakbong pangulo sa 2022

Inirekomenda ni House Committee on National Defense and Security Vice Chairman at Muntinlupa Rep. Ruffy Biazon sa mga tatakbong Presidente sa 2022 na iprayoridad ang isyu ng West Philippine Sea (WPS).

Ang pahayag ni Biazon ay sa gitna na rin ng banggaan o word war nila Pangulong Rodrigo Duterte at retired Supreme Court Justice Antonio Carpio kaugnay sa katotohanan sa pinag-aagawang teritoryo ng China at Pilipinas.

Giit ni Biazon, dapat na maging ‘high priority’ para sa mga tatakbong Pangulo sa 2022 ang isyu sa West Philippine Sea lalo’t limang buwan na lamang ay maghahain na ng certificate of candidacy (COC).


Iminungkahi ng kongresista sa mga nag-aasam kumandidatong Pangulo na mahalagang maghanda ng detalyadong ‘plan of action’ o ‘policy direction’ dahil ang isyu na dulot nito sa pambansang seguridad ay humihigit pa sa anim na taong termino ng isang administrasyon.

Binigyang-diin pa ni Biazon na walang puwang ang mga ‘motherhood statements’ dahil ang kapakanan ng susunod na henerasyon ang nakasalalay dito.

Ilan sa mga maaaring gawin ay ang pag-refocus ng bansa sa external defense mula sa internal security operations (ISO) o mas pagsentro sa pagpapalakas ng Philippine Navy at Philippine Air Force, gayundin ang Philippine Coast Guard at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources.

Facebook Comments