Isyu sa WPS, dapat kasama sa prayoridad ng mga kandidatong nais mamuno sa bansa

Nanawagan si Senator Leila de Lima sa mga Pilipino na tumulong sa pagtatanggol sa ating soberenya sa pamamagitan ng paghalal sa pinuno ng bansa na may kakayahang ipaglaban ang ating teritoryo sa West Philippine Sea.

Ayon kay De Lima, kailangang malinaw sa taumbayan ang paninindigan ng ating mga kandidato pagdating sa usapin ng WPS.

Paliwanag ni De Lima, ito ay dahil buhay at kabuhayan ng ating mga kasamang mangingisda ang nakasalalay dito gayundin ang kinabukasan nating lahat lalo na ang sa ating mga anak.


Ang pahayag ni De Lima ay kasunod ng ginawa ng mga barko ng China na pagbomba ng tubig sa mga barko ng Pilipinas na may dalang food supplies para sa mga sundalo sa Ayungin Shoal.

Giit ni De Lima, kailangan natin ang isang leader na may political will para ipagtanggol ang ating ksarinlan at patigilin ang China sa pag-angkin sa ating mga teritoryo.

Diin ni De Lima, hindi na natin kakayanin ang dagdag anim na taon na pagiging sunud sunuran sa China.

Facebook Comments