IT provider na Dermalog, pinulong ni LTO Chief Asec. Teofilo Guadiz kaugnay sa reklamo sa serbisyo sa provincial offices nito

Pinulong ni Land Transportation Office (LTO) Chief Assistant Secretary Teofilo Guadiz III ang mga opisyal at kinatawan ng Dermalog, ang Information Technology (IT) provider ng ahensya sa Land Transportation Management System (LTMS).

Ang nasabing pulong ng LTO chief at ng Dermalog ay pauna pa lamang ng magpapatuloy pang mga pag-uusap sa layuning maiayos ang mga aberya sa kanilang provincial offices.

Una nang nakatatanggap ang LTO ng mga pagpuna hinggil sa mabagal na pagproseso ng pagpaparehistro ng mga sasakyan gayundin sa pagkuha ng lisensya ng pagmamaneho.


Ang mga nasabing hinaing ng publiko ang nagtulak sa bagong LTO chief upang agad na umaksyon kabilang na ang masinsinang pakikipag-usap sa Dermalog.

Ipinasisiguro ni Asec. Guadiz sa Dermalog na magiging mabilis at komportable para sa publiko ang mga transaksyon.

Ipinunto ni Asec. Guadiz ang sitwasyon na may ilang indibidwal pa ang nagmumula sa mga malalayong lugar at pagdating sa LTO ay nasasayang ang kanilang mga lakad.

Inaasahan na muling magpupulong ang LTO at Dermalog bilang bahagi ng mga hakbang sa pagresolba ng mga isyu sa serbisyo ng ahensya na pinangangasiwaan ng IT provider nito na Dermalog.

Facebook Comments