Kokonsultahin pa ng National Telecommunications Commission (NTC) ang telecommunications companies kaugnay sa itatakdang panahon para sa SIM card users upang irehistro ang kanilang mga SIM card.
Sinabi ito ni Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary John Ivan Uy, kasunod ng pagiging ganap na batas ng SIM Card Registration Law, matapos na mapirmahan ito ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon sa kalihim, isang paraan na nakikita niya para sa pagparehistro ng mga SIM card, ay ang pag-notify ng mga telco provider sa mga SIM user na mag-log in sa isang website kung saan ilalagay ng mga ito ang kanilang detalye, maging ang identification card na ia-upload.
Hindi na aniya ito magiging problema para sa mga postpaid sims user, dahil mayroon ng mga detalye ang mga service provider sa holders ng mga ganitong SIM.
Mas magiging hamon aniya ang verification na gagawin para sa prepaid SIM holders.
Sinabi ng kalihim na magiging katuwang ng NTC ang iba’t ibang ahensya ng pamahaalan, tulad ng Land Transportation Office (LTO), Department of Foreign Affairs (DFA), Social Security System (SSS), at iba pa, para sa beripikasyon ng mga ia-upload na ID ng SIM users.