Inaasahang makapagbibigay ng mas maayos at sapat na suplay ng patubig sa mga magsasaka sa Bugallon, Pangasinan ang planong itayong Domuloc Earthfill Dam o Small Reservoir Irrigation Project ng National Irrigation Administration (NIA).
Layon ng proyekto na mapalakas ang irigasyon sa mga sakahan sa lugar upang matiyak ang tuloy-tuloy na produksyon ng pananim at mas matatag na kabuhayan ng mga lokal na magsasaka.
Sa pamamagitan ng itatayong earthfill dam at kaukulang irrigation system, inaasahang mababawasan ang epekto ng kakulangan sa tubig, lalo na sa panahon ng tagtuyot.
Bilang bahagi ng paghahanda sa proyekto, nagsagawa ng site visit at hazard assessment ang lokal na pamahalaan ng Bugallon katuwang ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) at NIA upang matukoy ang kaligtasan at kaangkupan ng lugar.
Sa naturang pagbisita, inilahad din ng NIA ang mga plano at teknikal na disenyo ng proyekto bilang batayan sa pagsusuri ng kahandaan ng lugar para sa nalalapit na konstruksyon.










