ITATRATONG ORDINARYO | BJMP, tiniyak na walang special treatment kay Faeldon

Manila, Philippines – Walang magiging special treatment kay Captain Nicanor Faeldon sa bago nitong selda sa Pasay City Jail, ito ang tiniyak ni BJMP Spokesperson Insp. Xavier Solda, kasunod ng paglilipat sa dating Custom Commissioner ngayong umaga.

Sa katunayan, ayon kay Inspector Solda, hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa naipapasok lahat ng gamit ni Faeldon sa kaniyang selda dahil dumadaan pa ito sa tipikal na security measures.

Sakali aniya na may mga gamit na ipinagbabawal ang makita sa mga bagahe ni Faeldon, gaya ng isang tipikal na detainee ay hindi ito papayagang maipasok.


Ayon pa kay Solda, maliit na kwarto o espasyo lamang ang ibinigay nila kay Faeldon, walang bintana at hiwalay sa ibang mga preso, dahil iniisip pa rin nila ang seguridad dito.

Tapos na ring sumailalim sa booking proceedings si Faeldon, kung saan naisa isa na aniya sakaniya ang mga Do’s and Don’ts ng BJMP.

Binigyang diin ni Inspector Solda na itatrato nilang ordinaryong detainee si Faeldon at hindi sila ang mag-aadjust para rito.

Ayon pa kay Solda, hangga’t walang nalalabag si Faeldon sa mga patakaran ng City Jail, ay wala itong nakikitang magiging problema.

Facebook Comments