Bigo ang ilang Local Government Units (LGUs) na makasunod sa itinakdang deadline ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para mai-upload ang Social Amelioration Program (SAP) forms ng mga benepisyaryo ng SAP at ma-validate ang mga kulang na impormasyon.
Ayon kay DSWD Usec. Rene Glen Paje, mayroon pang 97,395 na SAP forms ang kinakailangang i-upload ng mga LGUs.
Habang aabot pa sa 154,326 ang bilang ng mga benepisyaryong kailangang pang i-validate dahil kulang ang mga impormasyon tulad ng middle initial at contact number.
Sa ngayon, sinabi ni Paje na halos 80 bilyong piso na ang naipamahagi ng DSWD sa pamamagitan ng manual at digital payouts, sa halos 13.4 milyong pamilya sa ilalim ng 2nd tranche ng SAP.
Kabilang sa kanila ang mga benepisyaryo ng 4Ps, low-income non-4Ps family, waitlisted non-4Ps family at mga waitlisted na mga pamilya mula sa mga lugar na isinailalim sa Enhanced Community Quarantine.