Manila, Philippines – Isang linggo bago ang kanyang pagreretiro sa pwesto, iniutos ni Chief Justice Teresita Leonardo-de Castro ang pagbalasa sa hanay ng mga mahistrado ng Korte Suprema na bahagi ng Senate Electoral Tribunal (SET) at House of Representatives Electoral Tribunal (HRET).
Sa ilalim ng 1987 Constitution, mandato ng SET at HRET na magpasya sa mga electoral protests na kinasasangkutan ng mga kandidato sa pagka-senador at pagka-kongresista.
Sa isang pahinang Special Order 2589, itinalaga ni De Castro ang mga kasalukuyang senior justices ng Korte Suprema sa mga electoral tribunal.
Si Senior Associate Justice Antonio Carpio ang uupong chairperson ng SET, habang myembro naman sina Justices Lucas Bersamin at Estela Perlas-Bernabe.
Itinalaga naman bilang Chairperson para sa HRET si Justice Diosdado Peralta, habang myembro naman sina Justice Mariano del Castillo at Marvic Leonen.
Sa ngayon,Nakabinbin sa SET ang electoral protest na inihain ni Presidential Adviser for Political Affairs Francis Tolentino laban kay Senador Leila de Lima.