Manila, Philippines – Kinontra ng Bureau of Immigration (BI) ang ulat na walang immigration officers sa Clark International Airport kaya at hindi nakababa ang mga pasahero ng Eva Air flight BR 277 mula Taiwan noong Sabado.
Ito ay sa gitna ng pagsasara ng NAIA dahil sa nag-overshoot na eroplano ng Xiamen airlines noong Huwebes ng gabi.
Sa halip, bumalik ng Taiwan ang eroplano ng Eva Air at hindi naibaba sa Clark ang mga sakay nito sa kabila ng anim na oras na paghihintay sa runway.
Sa paliwanag ng Bureau of Immigration (BI) kay Justice Secretary Menardo Guevarra, matapos mag-refuel sa Clark ay nais ng piloto ng Eva Air BR 277 na bumalik ng NAIA.
Gayunman, hindi ito pinayagan ng Manila Air Traffic Controller.
Wala ring natanggap na request ang Clark Airport Operations mula sa Eva Air o kahit sa ground handler nito para payagang sa Clark na bumaba ang mga pasahero.
Napag-alaman din ng BI na nakipag-ugnayan ang piloto ng eroplano sa head office ng Eva Air sa Taipei at nagdesisyong bumalik ng Taiwan ang eroplano.
Una rito, kumalat ang facebook post ng isang Christine San Diego ang hinggil sa nasabing insidente.