Manila, Philippines – Itinanggi ni dating Department of Justice (DOJ) Sec. Vitaliano Aguirre II ang report ng Commission on Audit (COA) na sangkot siya sa kwestyunableng pag-transfer ng nasa higit 600 milyong piso na hindi na nagamit na pondo sa kanyang ATM Payroll Account.
Base sa COA report, ang DOJ ay nakapag-transfer ng nasa 621.6 million pesos mula sa Modified Disbursement System Regular Account sa Land Bank patungo sa ATM Payroll Account sa halip na ibalik ang pera sa National Treasury.
Ayon kay Aguirre – ang financial transactions ng kagawaran ay hinahawakan ng kanilang Budget and Accounting Divisions.
Ang DOJ aniya ay mayroong Assistant Secretary at Undersecretary for Finance.
Katwiran pa ng dating kalihim – wala siyang pinasukang transaksyon na binanggit ng COA annual audit report dahil wala at hindi kailangan ang kanyang pirma para rito.