ITINANGGI | Rigodon sa Kamara, pinabulaanan

Manila, Philippines – Tiniyak ni House Majority Leader Rolando Andaya Jr., na walang rigodon na mangyayari sa Kamara kasunod ng naging pagtatalo kanina sa caucus sa 2019 budget kaninang umaga.

Ibig sabihin, hindi papalitan si Davao City Rep. Karlo Nograles na Chairman ng Committee on Appropriations sa kabila nang kumalat na balitang aalisin ito dahil sa P55 Billion na pondo para sa mga pet projects ni dating House Speaker Pantaleon Alvarez na nakapaloob sa 2019 budget.

Mababatid na si Nograles ang naiipit sa umano’y utos ng house leadership na tanggalin ang P55 Billion na pondo ni Alvarez gayong ipinag-utos naman ng Malakanyang na huwag alisin ang pondo.


Giit ni Andaya, business as usual ang Kamara at siniguro nitong tutupad ang liderato sa commitment na tapusin ang budget deliberation bago mag-adjourn ang sesyon sa October 12.

Nakahanda naman si Nograles para i-sponsoran ang budget sa kabila ng nangyaring tensyon kanina.

Sinabi pa ni Nograles na kung may gustong mag-alis sa kanya sa posisyon sa Appropriations Committee ay nakahanda siyang bitiwan ito pero hindi siya maaaring gamiting instrumento para hindi matupad ni Pangulong Duterte ang mga pangako nito sa publiko na nangangailangan ng pondo.

Facebook Comments