Itinapong upos ng sigarilyo ang pinaniniwalaang pinagmulan ng sunog na sumiklab sa isang bakanteng lote sa Brgy. San Vicente sa Urdaneta City, ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP).
Sa panayam kay Senior Fire Officer 3 Nathaniel Aquino, Chief of Intelligence and Investigation Unit ng Urdaneta City Fire Station, naiulat ang insidente bandang alas-kwatro ng hapon at inilarawan bilang grass fire na nagsimula sa talahiban ng naturang lote.
Ayon sa kaniya, mabilis na sumiklab ang sunog dahil sa tambak ng humigit-kumulang labinlimang lumang gulong at ilang basura sa lugar.
Sa kabila nito, wala namang nadamay na establisimyento o kalapit na kabahayan.
Batay sa paunang imbestigasyon, walang nakitang indikasyon na sinadya ang pagsunog sa lote.
Hinihinalang nag-umpisa ang apoy mula sa itinapong upos ng sigarilyo na tumama sa tuyong damo.
Kaugnay nito, muling nagpaalala ang BFP sa publiko sa tamang pagtatapon ng upos ng sigarilyo at sa pagiging responsable sa paninigarilyo upang maiwasan ang mga ganitong uri ng insidente. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣







