Itinatayong mega quarantine facility sa Calamba, Laguna, malapit nang matapos

Nasa 80% nang tapos ang itinatayong mega quarantine facility sa Calamba City, Laguna na handang tumanggap ng daan-daang na-infect ng COVID-19.

Ayon kay National Task Force Against COVID-19 Chief Implementer Carlito Galvez, may 650 bed capacity ang nasabing pasilidad na may mga cubicle na magsisilbing kuwarto ng mga pasyenteng may COVID-19.

Aniya, mga nagtatrabaho sa iba’t ibang pabrika sa Laguna ang unang makikinabang sa mega quarantine facility.


Sa kabila nito, aminado si Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III na hirap silang mapunan ang kinakailangang bilang ng mga health worker dahil sa takot na mahawa sa COVID-19.

Sa 10,468 kailangang health workers, 7,850 pa lang ang naha-hire ng DOH.

Inaasahang sa katapusan ng Agosto ay maaari nang tumanggap ng mga pasyente ang mega quarantine facility sa Calamba, Laguna.

Maliban dito, itinatayo na rin ang mga quarantine facility sa Cavite, Batangas at Quezon Province.

Facebook Comments