ITINAYONG DIKE SA TALIBAEW, CALASIAO, DAHILAN UMANO NG NAIPONG BAHA SA MGA KABAHAYAN

Ilang buwan na ang nakalipas mula nang matapos ang pagpapatayo ng dike sa Marusay River sa bahagi ng Purok 1, Brgy. Talibaew, Calasiao, Pangasinan ngunit taliwas sa magandang epekto nito, hindi pa rin umano humupa ang pagbaha sa mga kabahayan, ayon sa ilang residente.

Ayon sa mga ito, kasabay ng pagtatapos ng ko nagsimula na rin umanong maipon ang tubig baha sa kalapit na kabahayan sa lugar dahil wala nang daluyan palabas ang tubig.

Hindi naman umano gaanong pinoproblema ng mga residente ang baha noong wala pa ang naturang dike ngunit ngayon ay lumalala pa tuwing may dumadaang bagyo.

Ayon kay Tatay Smith Datuin, residente sa lugar, pagkatapos ng konstruksyon ng naturang dike ay naiwan na umanong nakabinbin ang paggawa ng labasan ng tubig baha mula sa kanilang mga kabahayan.

Dagdag hinaing pa nila ang dumaraming mga lamok sa lugar na namumugad umano sa naiipong tubig baha.

Hiling nila, magkaroon nang maayos na daluyan ng tubig upang hindi na ito maipon pa at maging mas ligtas ang lugar para sa mga residente.

Kabilang ang barangay Talibaew sa mga lugar sa Calasiao na nalubog sa baha dahil sa mataas na lebel ng tubig sa Marusay River na umagos sa mga kabahayan noong mga nagdaang bagyo at sama ng panahon.

Matatandaan din na kasagsagan ng matinding pagbaha noong Hulyo nang sinadya umanong sirain ng ilang residente ang bahagi ng dike sa hangarin na umagos sa ilog ang tubig baha sa mga kabahayan.

Facebook Comments