Slovakia – Iuuwi na sa susunod na linggo ang labi ng Filipino financial analyst na namatay makaraang bugbugin sa Bratislava, Slovakia.
Una rito, sinabi ng DFA na tinanggap ng pamilya ng Overseas Filipino Worker (OFW) na si Henry John Acorda ang alok na tulong ng Slovakian government na iuwi ang kanyang labi sa Pilipinas.
Nagpasalamat naman si Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano sa gobyerno ng Slovakia sa alok na tulong.
Sinabi ni Ambassador to Vienna Ma. Cleofe Natividad, nag alok ang Slovakian Government na maglalaan ito ng eroplano na mag uuwi sa labi ni Acorda, kanyang ina at dalawang kapatid.
Matatandaan si Henry ay ginulpi ng isang lalaki, nang sinubukan niyang ipagtanggol ang dalawang babae na hinaharas nito.
Ang 28-anyos na lalaki na may kaugnayan sa insidente ay nasa kustodiya na ng mga otoridad at kinasuhan na ng manslaughter.
Ikinagalit ng mga mamamayan ng Slovakia at kinondena ni Prime Minister Peter Pelligrini ang insidente at nangako na bibigyan hustisya ang kanyang pagkamatay.