Muling iginiit ng Department of Health (DOH) at ng Food and Drug Administration (FDA) na hindi pa rin nila inirerekomenda ang paggamit ng kontrobersyal na gamot na Ivermectin bilang treatment sa COVID-19.
Sa statement ng DOH at FDA, walang ebidensyang sumusuporta na pwedeng gamiting gamot ang Ivermectin para sa viral disease.
Batay sa pag-aaral ng Philippine COVID-19 Living CPG Reviewers:
– Hindi nababawasan ng Ivermectin ang mortality risk sa mga pasyenteng may mild hanggang severe COVID-19 cases
– Wala ring naibibigay na benepisyo ang Ivermectin sa iba pang clinical important outcomes tulad ng clinical deterioration at pangangailangan ng mechanical ventilation
– Hindi rin nababawasan ng Ivermectin ang hospitalization at symptoms resolution
– Wala ring pinagkaiba ang hospitalization discharge rate sa pagitan ng Ivermectin group at placebo group
Samantala, bukas ang DOH at FDA na payagan ang mga botika para sa Ivermectin compounding.
Una nang sinabi ng FDA na ang Ivermectin ay isang prescription drug na topical formulation na gamot para sa external parasites tulad ng kuto, lisa at iba pang kondisyon sa balat.