Manila, Philippines – Maaari nang magtakda ang mga pamahalaang lokal ng speed limit sa kanilang mga nasasakupang kalsada.
Ito ay batay sa Joint Memorandum Circular (JMC) 2018-001 na nilagdaan ng Department of Transportation (DOTr), Department Of Public Works and Highways (DPWH), at Department of the Interior and Local Government (DILG).
Ayon kay Transportation Asec. Mark De Leon, layon ng JMC na mabawasan ang mga aksidente sa kalsada sa pamamagitan ng paglimita sa bilis ng mga sasakyan.
Ipinapanukala ang 20 kilometro kada oras o kilometer per hour (kph) na speed limit sa mga barangay road o kalsadang masisikip at maraming tao.
Sa mga highway naman, nasa 80 kph para sa mga kotse at motorsiklo, habang 50 kph para sa mga bus at trak.
Mapaparusahan naman ang mga lalabag sa ordinansa, at maaaring mapatawan ng multang hanggang P3,000 o posibilidad na ma-impound ang sasakyan, at pagkakakulong.
Pagkalipas ng anim na buwan, titingnan ng DOTr, DPWH, at DILG ang mga pamahalaang lokal kung naipatutupad ang ordinansa.
Sa pag-aaral ng World Health Organization, nangungunang dahilan ng fatal road crashes o mga nakamamatay na aksidente sa kalsada ang pagmaneho nang mas mabilis sa itinakdang speed limit.