IWAS GULO | Senator Villar, naniniwalang dapat pabalikin na sa Pilipinas si Ambassador Villa

Manila, Philippines – Para kay Senator Cynthia Villar, hindi dapat makipag-away ang Pilipinas sa Kuwaiti government para ipagtanggol si Ambassador Renato Villa.

Naniniwala si Senator Villar, na mas makabubuting i-recall o pabalikin na lamang sa Pilipinas si Ambassador Villa at palitan na lang ng iba para wala ng gulo.

Kaugnay ito reklamo ng Kuwaiti government laban kay Villa matapos kumalat ang video ng pag-rescue ng Philippine diplomatic staff sa ilang Overseas Filipino Workers (OFW) sa Kuwait.


Sa tingin ni Villar, mali talaga na ikinalat ang nabanggit na video dahil maari naman aniyang magsagawa ng rescue mission o pagsalba sa mga OFWs sa Kuwait ng hindi na ipinapangalandakan pa.

Nauunawaan din ni Villar ang reklamo ng Kuwaiti authorities laban kay Villa.

Marahil aniya ay nagiging sobrang agresibo na ngayon ang Kuwaiti government matapos itong umani ng matinding protesta mula sa Pilipinas dahil sa mga naaabusong OFWs lalo na ng matagpuan sa loob ng freezer ang bangkay ng pinay na si Joana Demafelis.

Facebook Comments