Manila, Philippines – Mayroong inilaan na pondo ang Department of Health (DOH) sa mga mabibiktima ng paputok sa pagsalubong ng Bagong Taon.
Ayon kay Health Under Secretary Gerardo Bayugo, sasagutin ng DOH ang lahat ng gastusin ng mga mabibiktima ng paputok sa pamamagitan ng kanilang Philhealth.
Sakali naman aniya na kulangin ang maco-cover ng Philhealth sa bayarin ng pasyente, handa ang DOH na bayaran ang balanse ng pagpapagamot.
Kasabay nito, nakiusap ang DOH na iwasan na ang pagpapaputok sa pagsasalubong sa Bagong Taon sa halip ay mag-ingay na lang.
Samantala, duda ang Ecowaste Coalition na zero casualty ang maitatala sa pagsalubong ng Bagong Taon.
Giit ni Aileen Lucero, National Coordinator ng Ecowaste, wala naman kasing ipinatutupad na total ban sa bansa sa paggamit ng paputok.