Manila, Philippines – Ibinigyang diin ng Palasyo ng Malacañang na walang kinalaman ang Ehekutibo o ang Malacañang sa impeachment proceedings laban kay Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Ayon kay Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, hindi dapat sila ang tingnan sa ginagawang pagdinig ng Kamara dahil labas naman ang Malacañang sa anumang paraan na ginagawa ng Kamara sa paghahanap ng ebidensiya laban sa Punong Mahistrado.
Sinabi ni Roque na mas magandang abangan na lang ang resulta ng ginagawang pagdinig ng House Committee on Justice kaugnay sa impeachment ni Sereno.
Matatandaan na marami na ang nagsasabi na naghahanap lang o fishing expedition lamang ang ginagawa ng mga kongresista sa reklamong isinampa ni Atty. Larry Gadon.