IWAS SUNOG | Grass fire incidents sa Dagupan gustong maresolba!

Nagsagawa ng grass cutting ang pamunuan ng Bureau of Fire Protection (BFP) ng Dagupan City sa Barangay Pantal. Katulong ang mga residente ng nasabing barangay, nilinis ng Grupo ng BFP ang mga nagtataasang damo sa mga bakanteng lote na kadalasang dahilan ng pagkasunog.

Kailangan umanong mainvolve ang mga residente sa ganitong aktibidad dahil sila ang nakakaalam ng kanilang mga lugar at ang pangunahing benipesyaryo ng aktibidad upang masiguro ang kaligtasan, kapakanan at kalusugan ng mga Dagupenyo.

Layunin ng programa na maiwasan ang dumaraming kaso ng grass fire. Kaya naman tanging ang pagpuputol at paglilinis ng mga damo sa mga bakanteng lote sa Dagupan City ang siyang nakikitang solusyon ng pamahalaan lalo at parating na ang tag-init.
Ito ay alinsunod sa Executive Order na pinirmahan ni Mayor Belen Fernandez kung saan idineklarang ang ikalimang araw ng Marso at ang unang araw ng biyernes sa bawat buwan bilang Grass Cutting Day.


Ayon kay Georgian Pascua, BFP-Dagupan head, nag ikot ang kanilang grupo kasama ang nabanggit na alkalde sa kabuoan ng Dagupan City para masiguro na naipapatupad ang nasabing aktibidad at para na rin maitala ang mga lugar na kinakailangang linisan upang maiwasan ang pagkasunog ng mga damo. Dahil ayon sa naitalang kaso ng sunog ng BFP, grass fire umano ang nangunguna.

Target ng Lokal na pamahalaan ng Dagupan at ng BFP ang lahat ng mga barangay lalo na ang buong bahagi ng Bonuan kung saan mayroong pinakamalawak na grass field at kadalasang naitatalang sunog. Maging ang Tambac Bolosan, at iba pang barangay.
Base sa naitalang datos ng BFP, umakyat na sa bilang na labing lima ang kaso ng grass fire sa kasalukuyang taon.

Report from Kareen Grace Perdonio

Facebook Comments