Cauayan City, Isabela- Swak sa kulungan ang isang jail guard matapos magpaputok ng kanyang baril pasado alas 11:00 kagabi sa Dalupang St., District 2, Cauayan City, Isabela.
Nakilala ang suspek na si Lucas Cureg Jr, 31 taong gulang at residente ng brgy District 1, Cauayan City, Isabela.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PMSgt. Primo Galiza ng PNP Cauayan, kanyang sinabi na sasampahan na rin ngayong araw, Marso 12, 2021 ng kasong Alarm and Scandal ang suspek.
Una rito, isang Gerwin Arellano ang tumawag sa himpilan ng pulisya upang isumbong ang pagpapaputok ng isang lalaki partikular sa isang inuman sa Dalupang Street na agad namang tinugunan ng pulisya sa pangunguna ni PMSgt Galiza.
Nabatid na matapos makapag-order ng dalawang bote ng alak ang suspek kasama ang tito nito ay nakausap ng suspek si Arellano.
Habang nag-uusap ang dalawa ay nabanggit umano ng Jail guard na kasintahan nito ang isa sa mga tauhan ni Isabela Governor Rodito Albano hanggang sa nagkaroon ang mga ito ng mainitang pagtatalo.
Inilabas ng suspek mula sa kanyang sling bag ang dalang baril at ipinutok ng dalawang beses at agad na umalis sa inuman kasama ang Tito sakay ng kanilang traysikel.
Sa pagtugon ng kapulisan, nakorner at nahuli rin ang suspek sa harap ng isang Commercial building sa barangay San Fermin at nakuha sa kanyang pag-iingat ang isang Caliber 45 na baril na may kasamang walong (8) pirasong bala.
Sa kasalukuyan, nakakulong na sa lock up cell ng Cauayan City Police Station ang suspek.