Inutos na ni Philippine National Police (PNP) Chief General Guillermo Eleazar sa Eastern Police District na isailalim sa restrictive custody ang mga pulis na bumaril sa sasakyan ng aktor na si Jake Cuenca matapos mahagip ng bala at masugatan ang isang Grab driver sa Mandaluyong.
Ayon kay PNP chief, kinakailangang madisiplina ang mga pulis na ito sa kanilang ginawa.
Igagalang naman aniya nila ang pasya ng Grab rider kung maghahain ito ng kaso laban sa mga pulis kaya niya inutos na isailalim sa restrictive custody ang mga sangkot na pulis.
Kaugnay nito, siniguro naman ni Eleazar na mananagot ang aktor na si Cuenca sa kaniyang ginawang paglapastangan at pambabastos sa mga alagad ng batas.
Batay sa report, sa halip na siya ay bumaba ng sasakyan nang sitahin ng mga pulis ay kumaripas pa ito papalayo dahilan para habulin siya ng mga pulis na umabot pa hanggang sa Shaw Boulevard sa Pasig at doon na pinaputukan ang gulong ng sasakyan ng aktor.
Sinabi ni PNP chief na bilang aktor at public figure dapat na nagiging huwaran ito ng mga taong umiidolo sa kaniya at hindi kawalan ng disiplina ang paiiralin.