Pinagtibay ng Sandiganbayan 1st Division ang naunang hatol ng korte na ‘guilty’ sa kasong plunder si Pork Barrel Scam Queen Janet Lim Napoles.
Ibinasura ng anti-graft Court ang mosyon ni Napoles na dapat itong i-abswelto sa kaso matapos na ipawalang sala si dating Senador Ramon Bong Revilla Jr. dahil sa kawalan ng merito at kawalan ng ‘main plunderer’ na dapat ay isang ‘government official’.
Sa 16 na pahinang desisyon ng korte, iginiit na ‘guilty beyond reasonable doubt’ sina Napoles at ang dating Chief of Staff ni Revilla na si Richard Cambe kung saan sapat na para maituring ang mga ito na ‘main plunderers’ sa kaso.
Kinakitaan umano ng prosekusyon ng sapat na ebidensya sina Napoles at Cambe na nagsabwatan at nakinabang sa PDAF na inilaan sa mga bogus na NGOs ni Napoles.
Ibinasura din ng korte ang argumento ni Napoles na nakatanggap lamang ng P13 Million kickback si Cambe na mas mababa sa threshold amount na P50 Million para makasuhan ng plunder.
Ayon sa Korte, lumabas sa mga ebidensyang nakalap na si Cambe ang kumuha at nakinabang sa P127 Million na share ni Revilla.