Manila, Philippines – Inabswelto ng Court of Appeals sa kasong serious illegal detention ang kontrobersyal na negosyanteng si Janet Napoles.
Ito ay makaraang baligtarin ng appellate court ang desisyon ng Makati City Regional Trial Court na unang humatol na guilty si Napoles sa kaso.
Sa desisyong may petsang May 5, 2017, nabigo ang prosekusyon na patunayan ang responsibilidad ni Napoles sa iligal na pagdetine kay Benhur Luy, whistleblower sa PDAF scam, mula December 2012 hanggang March 2013.
Hindi kumbinsido ang CA 12th Division na pwersahang nananatili si Luy sa loob ng isang retreat house sa Makati City dahil malaya siyang nakakagala roon.
Ang nagponente ng desisyon ay si Associate Justice Normandy Pizarro habang sumang-ayon naman sina Associate Justices Joseph Lopez at Samuel Gaerlan.
Si Napoles ay nauna nang pinatawan ng Makati RTC Branch 150 ng reclusion perpetua o pagkabilanggo na hanggang 40 taon matapos hatulan na guilty sa kaso.
Gayunman, hindi pa ganap na makakalaya si Napoles dahil siya ay nakakulong pa dahil sa kasong plunder kaugnay naman ng pagkakasangkot niya sa PDAF Scam.
DZXL558