Ikinababahala na rin ng Japan ang presensya ng higit 200 Chinese vessels na nakaangkla sa Julian Felipe Reef, na bahagi ng Exclusive Economic Zone ng Pilipinas (EEZ).
Sa tweet, sinabi ni Japanese Ambassador to the Philippines Koshikawa Kazuhiko, mariin nitong tinututulan ang aksyon ng China na nagpapalala lamang ng tensyon.
Iginiit ng ambassador na ang South China Sea ay para sa kapayapaan at katatagan ng lahat.
Suportado ng Japanese Government ang pagpapatupad ng rule of law sa karagatan at pakikipagtulungan sa international community para protektahan ang malaya, bukas, at payapang karagatan.
Una nang sinabi ng US Embassy na ang ginagamit ng China ang maritime militia para pagbantaan ang iba pang mga bansa, na hindi maganda para sa kapayapaan at seguridad sa rehiyon.
Bago ito, itinanggi ng Chinese Embassy na militia vessels ang nananatili sa nasabing bahura at iginiit nila na may hurisdiksyon sila sa nasabing lugar.