Japan-PH Reciprocal Access Agreement, banta sa ating soberenya

Mariing kinondena ni House Assistant Minority Leader at Gabriela Women’s Party Rep. Arlene Brosas ang Japan-Philippines Reciprocal Access Agreement (RAA) na isa aniyang paglabag sa ating soberenya.

Para kay Brosas, malinaw na ang RAA na umano’y binabalangkas nang palihim ay walang pinagkaiba sa Visiting Forces Agreement na magpapahintulot sa Japanese Self-Defense Forces na lumahok sa military exercises sa Pilipinas katulad ng US-PH Balikatan.

Babala ni Brosas, sa mga ganitong kasunduan ay ginagamit lang ang Pilipinas bilang staging ground sa pagpapasimuno ng digmaan dahil sa ngayon ay nagmimistulang war playground na tayo ng mga dayuhang sundalo.


Iginiit din ni Brosas na hindi makatarungan na papasuking muli ng gobyerno ang mga sundalong hapon na para bang walang dumanak na dugo nang sumalakay sila rito noon.

Pinaalala ni Brosas ang karahasan at kalupitan na ginawa noon ng mga sundalong hapones sa ating mga kababayan lalo na ang pag-abuso nila sa ating mga kababaihan o comfort women.

Facebook Comments