Manila, Philippines – Umaasa ang China, Japan at Republic of Korea na mas gaganda pa ang kanilang relasyon sa ASEAN at mapalago pa ang ugnayang ekonomiya at pagtutulungan sa maraming larangan.
Sa ginanap na ASEAN + 3 Summit ay sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na sa mahigit 20 taon ng paguugnayan ay patuloy pang lumalakas ang kooperasyon ng ASEAN Countries at ng Japan, China, at Republic of Korea na naging pundasyon ng maraming tagumpay.
Ito aniya ay nakamit dahil sa iisang values na nakatatak na sa ating mga kultura at tradisyon na siyang malaking tulong para maintindihan ang isat-isa.
Sinabi ni Pangulong Duterte na umaasa siya na pahahalagahan ng bawat leader ang kapayapaan at ituring ang bawat isa na bahagi ng isang pamilya.
Sinabi naman ni Chinese Premier Li KeQiang na suportado ng China ang regional integration at ang pagsusulong ng East Asia Economic Community na siyang magpapaganda ng buhay ng mga nakatira sa rehyon.
Sinabi naman ni Japan Prime Minister Shinzo Abe na isang welcome development ang adaptation ng Manila Declaration sa ika 20 anibersaryo ng ASEAN + 3 summit at umaasa ito na mas mapalalakas pa ang financial cooperation ng ASEAN + 3 para mapalakas din ang Free Trading System.
Suportado din naman ni Republic of Korea President Moon Jae-In na ang Adoption ng Manila Declaration at umaasa ito na malalampasan ng bawat bansa ang Complex changes tulad ng protectionist at self-centered approaches pati na ang climate change.