Naharang ng Bureau of Immigration (BI) sa NAIA 1 ang isang Japanese national na nagtangkang umalis ng bansa gamit ang pekeng special resident retiree’s visa (SRRV).
Ang Japanese na si Yoshiaki Nakamura, 64, ay sasakay sana ng Philippine Airlines flight patungong Osaka, Japan.
Ayon sa BI, unang nag-refer ang primary inspector para isailalim si Nakamura sa pangalawang inspeksyon.
Matapos ang validation mula sa laboratoryo ng forensic document ng ahensya, napatunayang peke ang SRRV visa na nakadikit sa kanyang passport.
Mahigpit na nagbabala ang immigration sa lahat ng mga dayuhan na may kaakibat na mabigat na parusa ang paggamit ng mga pekeng dokumento.
Ang naarestong Hapones ay nakakulong na sa warden facility ng BI sa Camp Bagong Diwa sa Taguig habang pinoproseso ang kanyang deportation.