Jay Sonza: Pag-ambush sa van ni Kim Chiu, ‘isang malaking drawing’

Hindi kumbinsido si Jay Sonza sa pahayag ni Kim Chiu kaugnay sa pananambang ng kotse nito.

Sa kaniyang Facebook post, tahasang sinabi ni Sonza na “isang malaking drawing” ang nangyaring ambush noong Miyerkoles ng umaga sa Quezon City.

“Nasa stop light ng paulanan ng bala, tumagos, pero walang tinamaan kahit isa? Bakit tumagos ang bala from right to left window kung bullet proofed?,” pagtataka ng 65-anyos na dating broadkaster.


(BASAHIN: Kim Chiu sa nangyaring ambush: Buti nakahiga ako. Why me?)

Batay sa salaysay ng aktres, “nag-hang” siya matapos ang pamamaril at gumana raw ang “instinct” niya na tumuloy sa shooting ng teleseryeng pinagbibidahan na Love Thy Woman. 

“Nag-take ako ng dalawang eksena. Siguro adrenaline rush na mag-taping tayo, magtrabaho tayo. People are asking me kung kumusta ako. Hindi ko alam. Tinatanong nila kung kumusta ka. Naisip ko, ‘Oo nga no? Kumusta pala ako.’ Natatakot lang ako why those things are happening,” sabi ni Chiu sa eksklusibong panayam ni ABS-CBN reporter MJ Felipe.

Nagpasundo raw siya sa isa niya pang driver at nagpahatid sa lokasyon ng taping.

Muling kinontra ng noo’y mamamahayag ang sanaysay ng Kapamilya star na aniya “napakaraming butas”.

“Kim is a product of bahay ni Kuya PBB Teen edition and one of the most bankable artists and a contract artist of the kapamilya network. Note: no offense meant, but I find the story incredible to believe,” hirit pa ni Sonza.

PAG-UUSISA NI SONZA

Ayon pa kay Sonza, pinag-aaralan maigi at alam ng mga totoong hired killer kung saan pupuwesto ang kanilang aasintahin.

Kasunod nito, ikinumpara niya sa script ng soap-opera na “Ang Probinsiyano” ang pagpapaulan ng bala sa van ng 29-anyos na aktres.

Banat niya, “walang kalatoy-latoy” at “walang tumutulong luha” habang nagsasalita si Chiu sa harap ng camera.

Hindi pa naglalabas ng reaksyon ang lead star ng “Love Thy Woman” tungkol sa naging paratang at obserbasyon ni Sonza.

Facebook Comments