Jaybee Sebastian, nakagawa ng sinumpaang salaysay bago binawian ng buhay dahil sa COVID-19

Kinumpirma ng prosekusyon na may iniwang sinumpaang salaysay si Jaybee Sebastian o Jaybee Niño Manicad Sebastian sa tunay na buhay bago ito namatay noong July 18, 2020 dahil sa COVID-19.

Nakasaad sa naturang affidavit ni Sebastian na ginawa nito noong July 12, 2020 ang kanyang nalalaman hinggil sa pagkakasangkot ni Senador Leila de Lima sa drug trade sa New Bilibid Prisons (NBP) sa Muntinlupa City na itinuturing na relevant at material evidence sa kaso.

Ang nasabing affidavit ay ipiprisinta sana ng prosekusyon sa Muntinlupa City RTC Branch 204 noong Marso subalit nasuspinde ang mga pagdinig sa korte dahil sa COVID-19 pandemic


Nabatid na ang nasabing sinumpaang salaysay ni Sebastian ay ginawa nito sa tulong ng private counsel na si Atty. Neil Rivera at sinumpaan niya rin at sinubscribe sa harap ni Atty. Rigel Salvador ng Public Attorney’s Office (PAO).

Bunga nito, hiniling ng prosekusyon sa hukuman na payagan si Atty. Salvador na mag-testigo sa korte at iprisinta ang sinumpaang salaysay ni Jaybee Sebastian.

Ito ay sa pamamagitan ng kanilang inihain na “motion to allow prosecution to present witness” para kilalanin ang sinumpaang salaysay ni Jaybee Niño Manicad Sebastian.

May mga hawak din ang prosekusyon na larawan at video habang ginagawa ni Sebastian ang kanyang sinumpaang salaysay at ito ay ipiprisinta rin nila sa hukuman.

Facebook Comments