Inirekomenda ni dating Solicitor General Estelito Mendoza ang ilang mga pagbabago sa 1987 Constitution.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Constitutional Amendments ay iminumungkahi ni Mendoza ang pagpapabuwag sa Judicial and Bar Council (JBC) at ang paglilipat sa Commission on Appointments (CA) sa pagkilatis sa mga itinatalaga ng pangulo sa hudikatura.
Ipinunto ni Mendoza na ang pangulo ay pumipili ng mga nominado ng JBC para italaga sa hudikatura at walang partisipasyon dito ang Kongreso.
Nais ni Mendoza na mailipat sa CA ang pagsala ng mga itatalaga sa hudikatura at ikinatwiran na hindi naman aniya kontrolado ng pangulo ang CA dahil ito ay binubuo ng majority at minority blocs mula sa Senado at Kamara.
Dagdag dito ay ipinababalik din ng dating SolGen ang probisyon sa Konstitusyon na nagsasabing maaaring ideklara ang “martial law” kung may nakaambang panganib sa bansa.
Tinukoy ni Mendoza na inalis ang probisyong iyon sa 1987 Constitution kaya nangangahulugan na maaari lang ideklata ang batas militar at suspendihin ang “writ of habeas corpus” kung mayroong giyera.