Cauayan City, Isabela- Aprubado na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) region 2 ang hiling ng Lokal na Pamahalaan ng Ilagan na pumasada ang mga jeepney driver-operators sa kabila ng nararanasang krisis sa pandemya.
Ito ang inihayag ni City Mayor Josemarie Diaz sa kanyang mensahe may kaugnayan sa mga naitatalang positibong kaso sa lungsod.
Ayon kay Diaz, bagama’t abala ang lahat sa pagsisigurong mailigtas sa banta ng virus ang publiko ay iniisip pa rin nila ang makapagpatuloy sa hanapbuhay ang mga Ilagueño kaakibat ng pagsunod sa standard health protocol.
Samantala, nananatili naman sa pagsasailalim sa zonal lockdown ang ilang bahagi ng tatlong barangay sa lungsod na kinabibilangan ng Bliss village, Naguilian Sur, at Malalam simula October 3 hanggang October 8.
Patuloy naman ang panawagan ng alkalde sa publiko na ugaliing sundin ang mga health protocol gaya ng pagsusuot ng face mask at face shield.